Masasabi nating hanggang ngayon ay malaking bahagi pa din sa atin ang apektado ng pandemyang dulot ng COVID19. Karamihan nga ay patuloy pa ding nananatili sa kanilang mga tahanan at hindi pa nakakabalik sa normal nilang trabaho.
Dahil dito, isang kakaibang pagtulong ang naisip ni Arjay Marfa mula sa Trapiche Dos, Tanauan City, Batangas na isang resigned Facility Technician upang kahit paano ay makatulong at makabawas sa gastos ng ilang kababayan. Ibinabahagi nya ang kanyang husay sa pagkukumpuni ng mga appliances ng libre para sa mga kababayang walang wala talaga at kailangan makumpuni ang kanilang mga sirang kagamitan.
Sa kasalukuyan ay isa syang Freelance Appliances Repair Technician si Kuya Ar-jay habang nag aalaga ng kanyang anak sa kanilang tahanan. Tinawag nyang “KawangGAWA” ang adhikain nyang ito na makatulong sa iba sa pamamagitan ng libreng serbisyo nya. Ayon sa kanya, sa simpleng paraan nyang ito ay di lamang sya makakatulong ngunit mapapagaan din nya ang araw araw na buhay ng kanyang natulungan.
Aniya, ilan sa mga nagpagawa sa kanya ay lubhang natutuwa at di mapigilang mag-abot din ng kaunting tulong sa kanya at naiintindihan din ang kalagayan ng buhay sa ngayon. Ilang bahagi naman nito ay napupunta din sa pagbili nya ng piyesa na ginagamit nya sa pagkukumpuni.
Nakakapagod man daw ang pagsasabay ng pag aalaga sa kanyang anak at pagkukumpuni ng mga sirang appliances eh ibang saya naman ang hatid nito sa kanya na makatulong sa simpleng paraan.