Patuloy man ang pagiging progresibo ng Bayan ng San Juan, Batangas pamula sa mga resorts at hotel na isa sa mga dinarayo dito at pagkakaroon ng mga bagong imprastraktura at mga subdivisions ay patuloy pa din naman ang paglago ng sektor ng agrikultura at maging ang mga pangunahing kabuhayan ng ating mga kababayan sa San Juan, Batangas.
Ilan sa mga pangunahing kabuhayan ng ating mga kababayan dito ay ang mga sumusunod :
Pagtatanim
Sinasamantala ng mga taga Barangay Lipahan, San Juan, Batangas ang sunod sunod na pag ulan ng mga nakaraang linggo upang magtanim ng palay. Ang tatlong hektaryang lupang ito ay ilang araw din nilang pinagtutulungang taniman. Pagkatapos naman ng tatlong buwan ay halos 200 sakong palay ang kayang anihin dito. At sa buong taon ay 2-3 beses tinataniman ng palay ang lupang ito depende sa panahon.
Paggawa ng Palayok
Sa Barangay Palahanan, San Juan, Batangas naman nakalagak ang mga di mo na mabilang na gawaan ng palayok at iba pang pwedeng lilukin gamit ang putik. Ito na siguro ang sentro ng gawaan ng palayok na sya naman dinadala sa bayan upang ipabili. Inaabot ng tatlong araw ang proseso ng paggawa ng palayok mula sa paglilok, pagpapatuyo at pagluto nito sa malaking pugon.
Paggawa ng Lambanog
Isa naman sa mga Barangay na nagpuproduce ng lambanog ang Barangay Sico 1st, San Juan, Batangas. 1800’s pa nagsimula ang paggawa ng lambanog sa bayan ng San Juan. Ang lambanog ay itinuturing na cultural wine na syang madalas na makikita sa mga handaan noong unang panahon lalong lalo na sa mga lokal na mamamayan. Mula sa pagkuha ng tuba mula sa itaas ng mga matatayog na puno, ito ay ilalagay muna sa pansamantala sa isang container at hahayaan itong mag ferment ng isang buong araw. Kinabukasan ito nama’y lulutuin at sasalain upang makuha ang purong alcohol na syang magiging lambanog.
Panutsa at iba’t ibang matatamis na candy
Isa sa mga paboritong pasalubong ng mga Batangenyo ang Panutsa na sya nating sariling bersyon ng peanut brittle. Bukod sa Taal, Batangas ay may mga mangilan ngilan ding gawaan ng panutsa at at iba pang matatamis na candy sa Bayan ng San Juan, Batangas. Ito naman ang syang dinadala sa mga public markets ng San Juan at maging sa mga karating probinsya tulad ng Laguna.
Ilan lamang ito sa patunay posible ang pagiging progresibo ng isang bayan/munisipalidad na hindi kailangang makaapekto sa mga nakasanayang kabuhayan ng mga lokal na mamamayan.
Larawan ni Edison Manalo, Jeffrey Sandoval at Gio Tatlonghari