Ipatutupad ang RA 9003 kung saan magkakaroon ng tamang pamamahala ng basura o proper waste management sa Batangas City. Tatlumpu’t siyam (39) na barangay ang mabebenipisyuhan ng naturang panukala. Sana’y maging matagumpay ang pagpapatupad ng proyektong ito at sana ay i-adopt din ito ng iba pang lungsod at munisipalidad sa buong lalawigan para tuluyan na nating masolusyunan ang matagal nang problema sa basura.
Samantala, ito ang kumpletong balita ukol sa pagpapatupad ng RA 9003 sa batangas City mula sa PIO ng nabanggit na lungsod.
Magtatalaga ang mga Barangay officials ng may 39 na Barangay ng pick up points para sa hakot ng kanilang mga basura ngayong buwang ito. Kaugnay ito ng malakas na kampanya ng lungsod ng Batangas na magkaroon ng makakalikasan at maayos na pamamahala ng basura.
Ito ang resulta sa pagpupulong ng Technical Working Committee ng City Solid Waste Management Board o CSWMB noong araw ng Lunes, ika- 2 ng Agosto, direktang sinabi ni Mayor Vilma Abaya Dimacuha na agarang ipatupad ang batas ng paghihiwalay ng basura.
“We mean business here at kailangan nating ipatupad ang batas,” ayon pa sa Punong Lungsod. Kailangan aniya na magsagawa ng dalawang linggong information dissemination tungkol sa mga environmental laws at pagkatapos nito at hindi pa rin tumatalima ang kinauukulan ay papatawan ng parusa ng Enforcement Committee ng CSWMB ang mga lalabag sa batas.
Mahigpit na ipatutupad ang pages-segregate ng basura para sa tatlumput siyam na Barangay bilang pagsunod sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Kabilang dito ang Alangilan, Balagtas, Bolbok, Calicanto, Cuta, Gulod Labac, Kumintang Ibaba, Kumintang Ilaya, Malitam, Pallocan Kanluran, Sta. Clara, Sta. Rita, Wawa, Balete Relocation Site, at ang Poblacion 1-24. Ito ang napiling pilot barangays para sa implementasyon ng RA 9003.
Sa talakayan sa pagitan ng Public Service and Maintenance Unit o PSMU noong ika-9 ng Agosto, hiniling ni Mr. Galicano Fortuna, hepe ng PSMU na magtalaga ng lugal na accessible sa mga trak ng basura ang mga Barangay kung saan dito dadalhin ng mga tao ang kanilang basura. Ito ay upang maging mas mabilis at episyente ang pagkuha ng basura .
Sa kasalukuyan ay mayroon 9 na Garbage Trucks ang PSMU at 67.66 tonelada na basura ang nakukulekta sa isang araw. Inaasahan na mababawasan ang bulto ng basura kapag ang mga tao ay nagsegregate ng basura. Bukod sa kailangang maipatupad ang batas, puno na rin ang tapunan ng basura ng lungsod at kailangan na maging fully operational ang Materials Recovery Processing Center sa tabi ng Sico Controlled Dumpsite. Dito ang mga nabubulok ay ginagawang pataba at ang di nabubulok ay ipinagbibili sa mga junk shops.
Kung mixed wastes o di magkakahiwalay ang mga basura at napapahalo ang bulok sa mga di nabubulok, hindi na napapakinabangan ang mga ito bukod pa sa hindi ito maaaring i-process ng naturang materials recovery facility.
Sa ika-11 ng Agosto, pupulungin ni DILG Officer Amor San Gabriel ang may 39 Barangay Captains upang ipaalala sa kanila ang kanilang resposibilidad na ipatutupad sa kanilang Barangay ang RA 9003. Maaaring kasuhan ang mga opisyal ng Barangay na hindi nagpapatupad ng batas. (Monina Beredo-Fernandez, PIO Batangas City)